Limang drug suspect, kabilang ang isang 40 taong gulang na babae, ang inaresto ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City nitong linggo.

Kinilala ni Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng Pasay police, ang naarestong suspek na sina Leonila Espiritu, alyas “Marissa”, 40; Roderick Aquino, 41; Arniel Valenzuela, 42; at Emmanuel Lanada, 36; at si Rolando Villanueva, 26.

Ayon kay PO2 Elvin Ascano, ng Baclaran Police Community Precinct (PCP-6), nahuli sa aktong bumabatak sina Espiritu, Aquino, Valenzuela at Lanada sa loob ng bahay ni Espiritu sa Mahogany Street, Barangay 145, bandang 1:30 ng hapon nitong Linggo.

Isa umanong concerned citizen ang tumawag sa PCP-6 at sinabing may nagaganap na pot session sa bahay ni Espiritu.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Nang puntahan ng mga pulis ang bahay ni Espiritu, nakita nila ang mga suspek sa loob ng isang maliit ng kuwarto na pinaniniwalaang ginagawang drug den, at tila “bangag” na.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia.

Samantala, nitong Sabado, inaresto si Villanueva ng mga element ng Taft-Arnais Police Community Precinct (PCP-3) habang umiihi sa F. Fernando St., corner G. Villanueva St., Bgy. 49.

Nang kapkapan nina PO2 Jimmy Rufo at PO1 Milo Pacelo, ng PCP-3, si Villanueva, isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha.

Ang limang suspek ay dinala sa Pasay Anti-Illegal Drugs Unit (AIDU) detention facility at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Habang si Villanueva ay nahaharap din sa kasong paglabag sa City Ordinance 1572 o No Urinating in Public Places. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)