HINDI agad nakapag-react si LJ Reyes nang sabihan naming happy kami para kay Aki dahil may itinuturing na itong “ama” na itong natatawag at nakakasama lagi. Kung nagtagal pa siguro ang tsikahan namin ni LJ, baka naluha ito.

Ang tinutukoy naming nagiging ama ng anak niyang si Aki ay ang boyfriend niyang si Paolo Contis. Para talagang mag-ama ang dalawa dahil sa mga importanteng okasyon sa buhay ng bata, pati school activities, si Paolo ang kasama.

Pati sa pamamasyal, sa shopping, kapag hindi puwede si LJ, sina Paolo at Aki lang ang magka-bonding. Sabi ni LJ, mabait si Paolo kay Aki at malambing din naman ang anak niya, kaya mabilis na napalapit ang loob kay Paolo.

Sa mga nagtatanong o nagsa-suggest kung bakit hindi pa sila magpakasal ni Paolo, ang sagot ni LJ, may inaayos pa sa parte ni Paolo. May dalawang anak ito sa unang nakarelasyon at kasal yata sila kaya kailangang malinis muna ang balakid na iyon.

Ellen Adarna, nag-face reveal ng baby girl nila ni Derek Ramsay

Sabi naman ni LJ, hindi sila nagmamadali at mas maganda kung mas lubusan pa nilang makilala ang isa’t isa.

Nakakatulong ang pagiging busy nila pareho kaya hindi ang pagpapakasal ang nagiging focus nila. Si Paolo ay may Bubble Gang at may Pinulot Ka Lang Sa Lupa naman si LJ.

Mahusay na aktres si LJ dahil mapabida o kontrabida, kayang-kayang gampanan. Bad girl siya sa Pinulot Ka Lang Sa Lupa, inaapi at sinasaktan si Julie Anne San Jose at kahit naba-bash paminsan-minsan, hindi pa naman nagagalit sa kanya ang fans nina Julie Anne at Benjamin Alves.

“Marami ang inis kay Angeli (karakter niya sa soap), pero sa akin hindi. Ang karakter ko ang inaaway nila dahil totoo namang nakakagalit. Alam naman ng viewers na trabaho lang ang ginagawa ko. Lately, lumalaban na nang sampalan si Julie Anne, kaya mas nagiging interesting na ang story ng soap,” sabi ni LJ.

May bed scene sina LJ at Benjamin at hindi naging problema ni LJ o ni Paolo ang eksenang ‘yun dahil naintindihan siyang part ‘yun ng trabaho.

“Maayos naming nakunan ang bed scene. Okay lang, walang naging problema. You trust your director and co-actor.

Sobrang comfortable ako sa team na ito at malaking tulong na kilala mo ang director dahil iniingatan at inalagaan ka.

Take one lang ang bed scene naming yun ni Benjamin,” kuwento ni LJ.

Kung pumayag si LJ sa bed scene nila ni Benjamin, ibig sabihin, hindi totoo ang tsikang ayaw na niyang gumawa ng mga ganu’ng eksena. Naging isyu kasi na simula raw nang maging Christian si LJ, umiiwas na sa love scene at bed scene.

Hindi naman pala totoo. Maganda sanang alamin kung ano ang naging problema ni LJ sa isang ginawang pelikula para maisyuhan siyang naging maarte. (NITZ MIRALLES)