Nakatakdang dumalo si Vice President Leni Robredo sa graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) “SALAKNIB” Class of 2017 sa PMA sa Baguio City ngayong Linggo.
Personal na igagawad ni Robredo ang Vice Presidential Saber kay Cadet First Class Philip Modestano Viscaya, ang ikalawa sa Graduation Merit Roll.
Pinangunahan din kahapon ng Bise Presidente ang paglulunsad ng “Istorya ng Pag-Asa” sa University of Cordillera sa Baguio City. Nagkaroon din siya ng konsultasyon at dayalogo sa mga estudyante sa Red Lion sa Leonard Road, Baguio.
FINALLY!
Inaabangan ng marami ang PMA graduation ceremonies ngayong taon dahil bibihira ang ganitong mga okasyon na magsasama sa entablado ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Kumpirmado nang magiging panauhing pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte sa seremonya, at siya rin ang maggagawad ng Presidential Saber kay Cadet First Class Rovi Martinez—na nanguna sa 167 magsisipagtapos sa akademya ngayong taon.
Huling nagkasama noong Enero sa Legislative-Executive Development Advisory Council sa Malacañang sina Duterte at Robredo, isang buwan makaraang magbitiw sa puwesto ang huli bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
Sa panayam kasunod ng nasabing paghaharap, inilarawan ni Robredo ang muling pagkikita nila ng Pangulo na “very cordial.” Gayunman, inamin niyang bagamat “cordial” si Duterte, ang ugnayan nila ay “okay but wasn’t very warm.”
(Merlina Hernando-Malipot)