Sugatan ang tatlong lalaki matapos ang putukan sa pagitan ng grupo ng mga armadong lalaki at mga pulis sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng Makati City Police ang dalawa sa sugatang biktima na sina Delio Bagaan, 21; at Gilbert Lopez, 20, kapwa residente ng Dayap Street, Palanan, Makati City. Ayon sa awtoridad, nagtamo ng sugat sa braso at dibdib sina Bagaan at Lopez, ayon sa pagkakasunod, at kabilang sa mga armadong lalaki na nakapalitan nila ng mga bala.
Ang ikatlong biktima, isang tambay na tinamaan ng stray bullet sa hita, ay isinugod sa Saint Claire Hospital para lapatan ng lunas.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng report ang pulisya na isang grupo ng “kahina-hinala at armadong” kalalakihan ang nagsama-sama sa Bautista St., malapit sa Dayap St., Barangay Palanan, bandang 3:15 ng madaling araw.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, ang grupo, binubuo ng anim na indibiduwal, ay nagkanya-kanyang takbo sa magkakaibang direksiyon at nakipagbarilan sa mga pulis.
Tumagal ng limang minuto ang putukan bago tuluyang nagsitakas ang grupo. Gayunman, iniwanan nila sina Bagaan at Lopez at dinala ng rumespondeng rescue team sa Pasay City General Hospital (PCGH).
Habang isinusulat ito, patuloy na inoobserbahan si Lopez sa PCGH habang si Bagaan ay dinala na sa Makati City headquarters para maimbestigahan. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)