Isa ang patay at dalawa ang sugatan sa malakas na pagkakasalpok ng dump truck sa poste ng Light Rail Transit-Line 2 (LRT-2) extension sa Marcos Highway, sa pagitan ng Cainta, Rizal at Marikina City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot ang pahinante ng truck na si Sammy Boy Galano, 19, dahil sa matagal na pagkakaipit.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center ang driver ng truck na kinilalang si Paulo Gil Esguerra, 22, gayundin ang guwardiya ng LRT-2 na si Ronnel Asuelo, 44.

Ayon sa ilang saksi, bago ang aksidente ay nakikipag-unahan umano ang dump truck (RKN-188) sa isang kotse sa eastbound lane ng Marcos Highway patungong Masinag, Antipolo City.

National

Honeylet naiyak sa ginawa kay FPRRD: 'Kinidnap n'yo siya, wala kaming laban!'

Dahil sa bilis ng takbo, posible umanong nawalan ng kontrol si Esguerra at tuluyang bumangga sa kinukumpuning poste ng LRT-2 extension.

Naipit at hindi agad nakalabas mula sa truck si Galano na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, at masuwerte namang nakalabas si Esguerra.

Nadamay naman sa aksidente si Asuelo na naka-duty noong mga oras na iyon at binabantayan ang kinukumpuning poste.

Matapos malapatan ng lunas ay agad dinala sa Marikina City Police si Esguerra at nakatakdang sampahan ng mga kaso.

(Mary Ann Santiago)