Hindi sukat akalain ng isang binatilyo na ikapapahamak niya ang matatalim niyang mata matapos siyang pagsasaksakin ng isang lalaki sa Malabon City, nitong Huwebes ng gabi.

Kasalukuyang ginagamot ang biktima, 15, na nagtamo ng mga saksak sa tiyan, hita, at puwet.

Kaagad namang inaresto ang suspek na si Amos Watson, 18, ng Block 11, Lot 11, 3rd Street, Barangay Catmon ng nasabing lungsod at nahaharap sa mga kasong frustrated homicide at R.A. 7610 (child abuse law).

Sa imbestigasyon ni SPO1 Rominora B. Mallari ng Women and Children's Protection Desk (WCPD) ng Malabon Police, bandang 10:30 ng gabi, nakatayo ang biktima sa harap ng computer shop sa 2nd St., Bgy. Taniong, Malabon City.

Metro

Karagdagang bus at libreng sakay, ipatutupad kasabay ng transport strike

Dumaan sa kanyang harapan si Watson na kanyang tinitigan.

“Nagalit si Watson kasi akala niya tiningnan siya nang masama ng biktima,” ani Mallari.

Dahil dito, binato ni Watson ng upos ng sigarilyo ang biktima hanggang sa magsuntukan at natalo ang suspek.

Sandaling umalis si Watson at pagbalik niya ay may bitbit na siyang patalim at pinagsasaksak ang binatilyo.

(Orly L. Barcala)