Sinimulan nang dinggin kahapon ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang mga inihaing mosyon ng kampo ni Senator Leila De Lima at ng Department of Justice (DoJ) hinggil sa drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) na matatagpuan sa lungsod.
Dakong 9:00 ng umaga nag-umpisa ang pagdinig sa sala ni Muntinlupa RTC Branch 205 Judge Amelita Fabros-Corpuz.
Binigyan ng hukom ng 10-araw ang depensa upang isumite ang kanilang sagot sa komento ng DoJ sa “motion to quash” at “motion for determination of probable cause” ng senador. Sampung araw din ang ibinigay ng korte sa DoJ para sagutin ang depensa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, lumutang na si Jose Adrian Dera, kapwa akusado ni De Lima, ay hindi pamangkin ng senadora kundi ng kanyang driver/body guard na si Ronnie Dayan.
Tumagal ng halos kalahating oras ang pagdinig at muli itong itinakda sa Abril 21. (Bella Gamotea)