Lumantad sa pulisya ang limang estudyante na sinasabing sangkot sa pagpatay sa 28-anyos na seaman sa isang bar sa Quezon City noong nakaraang linggo.

Makalipas ang halos isang linggo pagkamatay ng Australian-based overseas Filipino worker na si Abigail Gino Basas, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na humarap na sa pulisya ang limang babae upang linawin ang insidente.

Nitong Miyerkules, pinangalanan ng isang 20-anyos na estudyante ng San Sebastian College ang kanyang mga kaibigan na sangkot umano sa pambubugbog kay Basas noong umaga ng Marso 4, ayon kay Eleazar.

Apat na katao, na pawang hindi pinangalanan, ang naglinis sa kanilang mga pangalan.

National

Honeylet naiyak sa ginawa kay FPRRD: 'Kinidnap n'yo siya, wala kaming laban!'

Ayon kay Eleazar, itinuro ng mga ito ang isang Mohammad Marzan Piti-ilan, alyas “Pits” (unang pinangalanang Fritz Mohammed) na siya umanong unang sumuntok kay Basas.

Isa sa kanila, na nagsabing tatlong metro ang layo mula sa pinangyarihan, ang nagpahayag na nakita niyang inatake ni Piti-Ilan si Basas sa likod ng ulo na naging sanhi ng pagbulagta nito.

Gayunman, isa sa apat na babae ang nagsabing hindi sila lasing. Sinabi rin nito na hindi nila binugbog si Basas. Ayon sa kanila, lumapit lamang sila roon upang pakalmahin ang kanilang mga kaibigan.

Siguradung-sigurado naman umano ang estudyante na nagpaliwanag noong Biyernes na hindi kasali sa pambubugbog sina Earl Grande at Angelo Mark Morata dahil napigilan nila ito.

Aniya, isang grupo ng lalaki, na hindi nila alam kung ilan, ang nagtulung-tulong sa pambubugbog sa biktima.

INAYUDAHAN NG OWWA

Tatanggap naman ng benepisyo ang pamilyang naulila ni Basas mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac, dahil aktibong miyembro si Basas, matatanggap ng kanyang pamilya ang P200,000 insurance benefit, P20,000 burial, scholarship para sa kanyang mga kapatid, at P15,000 para sa kanyang ama at ina. (Vanne Elaine Terrazola at Bella Gamotea)