BEIRUT (AP) — Nagpapakita ang mga batang Syrian ng mga sintomas ng “toxic stress” at nagtatangkang saktan ang kanilang mga sarili at magpakamatay dahil sa nararanasang matagal na digmaan, ayon sa isang ulat na inilabas nitong Martes.
Pakiramdam ng mga bata ay hindi na sila ligtas sa paaralan at nagkakaroon ng speech disorder at incontinence o madalas na naiihi, at ang iba ay hindi na makapagsalita, ayon dito.
Inilabas ng Save the Children ang ulat sa paggunita sa ikaanim na anibersaryo ng pagsiklab ng digmaan sa Syria at nananawagan ito sa lahat ng panig na gawing prioridad ang isyu ng mental health bago pa magkaroon ang mga bata ng pangmatagalang kumplikasyon na dadalahin nila hanggang sa kanilang pagtanda.
“After six years of war, we are at a tipping point, after which the impact on children’s formative years and childhood development may be so great that the damage could be permanent and irreversible,” sabi ni Marcia Brophy, mental health adviser ng Save the Children sa Middle East. “The risk of a broken generation, lost to trauma and extreme stress, has never been greater.”
Kinausap ng mga mananaliksik ang 450 paslit, teenager, at matatanda sa pito sa 14 na governorate ng Syria.
Ayon sa matatanda, ang pangunahing sanhi ng psychological stress ay patuloy na mga barilan at pambobomba na naging marka ng digmaang ito.
Madalas na targetin ng magkakalabang grupo ang mga eskuwelahan at ospital -- mga institusyon na maaari sanang magbigay ng suporta sa mga batang na-trauma.
Ayon sa ulat, 80 porsiyento ng mga kinapanayam ang nagsabing nagiging mas agresibo ang mga bata at 71% ang nagsabing dumaranas ang mga bata ng bedwetting at involuntary urination — “both common symptoms of toxic stress and post-traumatic stress disorder among children.”
Natuklasan din ng mga mananaliksik na two-thirds ng mga bata ang namatayan, binomba ang bahay o nasugatan dulot ng digmaan.
Ang survey ng Save the Children ang unang nakatuon sa mental health ng mga batang nakatira pa rin sa Syria. Nakasaad dito na 3 milyong bata ang naninirahan sa mga lugar na lantad sa high explosive weapons at 3 milyong nasa 6-anyos pababa ang walang ibang alam kundi giyera.
Ang mga sintomas ng toxic stress ay nakaaapekto sa pagdebelop ng utak at iba pang organ, at nagbubunsod ng sakit sa pag-iisip at addiction sa pagtanda, sinabi ni Alexandra Chen, child protection and mental health specialist sa Harvard University.