Pinal na ang pagtanggal kay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang House Deputy Speaker, ayon kay Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ayon sa lider ng Mababang Kapulungan, hindi itinira ang dating pangulo sa kanilang polisiya na alisan ang lahat ng lider ng Kamara ng kanilang mahahalagang puwesto matapos bumoto laban sa House Bill 4727, na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan.

“It is as good as day follows night,” sabi ni Alvarez. “Policy is a policy,”

Bukod kay Arroyo, ang iba pang lider ng Kamara na nanganganib na mahuhubaran ng committee chairmanship ay sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Si Sato ay miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA), si Santos-Recto ay pinuno ng Committee on Civil Service and Professional Regulation, si Belmonte ang lider ng Committee on Land Use at si Bag-ao ay chairman ng Committee on People Participation.

National

Mga nagpakalat ng fake news tungkol sa 'petisyon,' lagot sa Korte Suprema!

Posible ring papalitan sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, chairman ng Committee on Public Information; Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, chairman ng Committee on Natural Resources; at Gabriela Rep. Emmi De Jesus, chairman ng Committee on Poverty Alleviation, matapos silang bumoto kontra sa prayoridad na batas ng Kamara.

Sinabi rin ni Alvarez na hindi niya hihilinging umalis ang mga kapartido niya sa Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP)-Laban na kumontra sa panukala, “pero kung gusto nila mag-resign wala tayong magagawa.”

KALABANG BATAS

Sa botohang 217-54, na may isang abstention, ipinasa ng Kamara noong Martes ng gabi ang House Bill 4727 o “Death Penalty Law,” na nagpapataw parusang kamatayan sa mga karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa droga.

Gayunman, ang pagbuhay sa death penalty ay nangangailangan ng pagpapawalang-saysay sa Republic Act No. 9346 (An Act Prohibiting the Imposition of Death Penalty in the Philippines) at pag-amyenda rin sa Act No. 3815, as amended, o ang “The Revised Penal Code,” at Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.)

CBCP NAMIMIGHATI

Labis na ipinagdalamhati ng Simbahang Katoliko ang pagpasa ng parusang kamatayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa kabila nito, tiniyak ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBPC), na patuloy nilang lalabanan ang panukala.

“We, your bishops, are overcome with grief but we are not defeated nor shall we be silenced,” diin ni Villegas.

(CHARISSA M. LUCI, BERT DE GUZMAN, at MARY ANN SANTIAGO)