Nasa malubhang kalagayan ang isang pulis na tinambangan at pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa intensive care unit si PO2 Joselito Andres, 51, nakatalaga sa Valenzuela City Police Station, at residente ng Lanzones Street, Malabon City.
Sa report ni Police chief Inspector Momer Orang, head ng Caloocan Police Station 2, bandang 10:30 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Pio Valenzuela St., Barangay 78, Caloocan City.
Sakay si Andres sa kanyang motorsiklo, angkas ang kanyang mga kaibigan na sina Jay-Ar Cruz, 30, ng Bangkal, Meycauayan Bulacan at Cristina Mangalino 41.
Pagbaba nina Cruz at Mangalino sa motorsiklo, biglang lumapit ang dalawang armado at walang habas na pinaputukan si Andres.
Duguang humandusay ang biktima ngunit nagawa niyang paputukan ang mga suspek na mabilis nagsitakas sakay sa motorsiklo. (Orly L. Barcala)