Nanalo nga sa pustahan ngunit kapwa naman sugatan ang dalawang menor de edad matapos silang barilin ng grupong kanilang tinalo sa “CrossFire” video game sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ligtas at nasa maayos nang kondisyon ang mga biktima na nasa edad 17 at 14, kapwa taga-Tondo, Maynila. Isa sa kanila ay nagtamo ng tama ng bala sa leeg at balakang habang ang isa naman ay may dalawang tama ng bala sa kaliwang balikat.

Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang mga suspek, na ang isa ay kinilala lang sa alyas na “Regie”, ng Capulong Street, Tondo.

Sa ulat ni Police Chief Inspector Robinson Maranion, ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 1:30 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa kanto ng Herbosa St. at Lacson St., Tondo.

Eleksyon

Marcoleta nagpapatulong sa mga botante: ‘Dalhin n’yo ako sa Senado!’

Bago ang insidente, nakipaglaro at nakipagpustahan umano ang mga biktima sa grupo ng mga suspek sa isang computer shop sa naturang lugar.

Marahil ay hindi natanggap ng mga suspek, partikular na si Regie, ang kanilang pagkatalo kaya rumesbak ang mga ito at inabangan ang mga biktima sa labas ng computer shop at tuluyang binaril ng sinumpak. (Mary Ann Santiago)