Binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang naging pahayag sa video na inilabas ni Sen. Imee Marcos noong Martes, Hulyo 28, kung saan nabanggit na mayroon umanong “ICC” sa loob ng Malacañang.
Sa naturang video, nasabi ang kahulugan ng letrang I ng tinutukoy na ICC, na inilarawan bilang impakta—at bigla na lamang itong naputol sa katagang “Clai.”
Komento at hula ng netizens sa nasabing video ng senadora, tila tumutukoy daw ito sa kasalukuyang press officer na si Usec. Claire Castro.
“‘Yong ganoong salita, hindi ko kasi siya sinasabi, hindi ko siya nababanggit kaya kay Maricel ko na pinabanggit. Hindi ako sanay sa mga ganoong salita. Hindi ako normal na nagsasalita ng ad hominem sa kapwa ko. So, kung sila ang nakapag-describe ng ganoong salita, alam nila kung ano ang ibig sabihin nito; alam nila ang deskripsyon ng salitang impakta,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Hulyo 29.
Aniya, “It takes one to know one, kaya kung sila ay affected sa aking mga nababanggit dahil tayo’y kumakalaban sa fake news, at iyan ang kanilang pananaw, isang impakta ang kumalaban sa fake news? Sino ngayon ang naglalarawan ng totoong impakta? ‘Yong gumawa ng video? ‘Yong kasama sa video? ‘Yong nagdirek ng video? ‘Yon ang masasabi nating totoong naglalarawan ng salitang ‘yan.”
“At huwag silang mag-alala, ang korona ay nasa kanila—na kay Senator Imee at sa mga grupo nila; at hindi natin kayang agawin ito mula sa kanila. Wala ako sa kalingkingan ni Senator Imee para sa ganiyang klaseng deskripsyon. Sila ay nasa maximum level,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Wala pang tugon o komento si Sen. Imee sa naging pahayag ni Usec. Castro hinggil sa inilabas niyang video.