Nalagutan ng hininga ang isang lasing na babae matapos mawalan ng balanse at aksidenteng mahulog mula sa isang tulay sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Leah Sabadlay, 33, kasambahay sa Guadalupe, Makati City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:30 ng gabi, pauwi na si Sabadlay mula sa isang inuman sa Rotunda, Pasay kasama ang kanyang kinakasama, si Edgar Baldios, at ilan nilang kaibigan.
Ayon sa awtoridad, naglalakad ang mag-asawa sa tulay sa Rotunda at maya-maya pa’y bumili ng sigarilyo si Baldios at hinayaang maglakad si Sabadlay.
Nang mapansin na naiwan niya ang kanyang mister, hinintay ni Sabadlay si Baldios at sumandal sa rehas na bakal ng tulay, dagdag ng pulis.
At dahil sa kalasingan, napayuko at nakatulog ang biktima at nakita na lamang ni Baldios na nahulog na ang kanyang misis sa 14 na talampakan na tulay.
Mabilis na isinugod si Sabadlay sa Pasay City General Hospital ngunit patay na ito dahil sa pinsala sa ulo.
(Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)