Magkapareho ang paraan ng pamamaslang ng Davao Death Squad (DDS) sa mga nangyayaring patayan ngayon sa Metro Manila, na iniuugnay sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Ayon sa retiradong pulis-Davao City na si SPO3 Arturo Lascañas, ang pagbaril sa ulo, paglalagay ng karatula, pamamaslang ng riding-in-tandem, at paggapos ng packing tape sa biktima ay matagal nang ginagawa ng DDS.
Sa pagdinig kahapon ng Senate committee on public order, kinumpirma rin ni Lascañas na aabot na sa 300 ang napatay ng nabanggit na grupo—sa utos umano ni Pangulong Duterte, noong alkalde pa ito ng Davao City—na 200 sa mga ito ay direktang may kinalaman siya.
Sa pagtatanong ni Senator Risa Hontiveros, inamin din ni Lascañas na ang “Oplan Tokhang” ay matagal nang ipinatutupad sa Davao City simula pa noong maging hepe ng Davao City Police Office ang Philippine National Police (PNP) Chief ngayon na si Director Gen. Ronand dela Rosa.
“Na-motivate kami kasi may reward system. Katulad ng kay Jun Pala, P3 milyon ang budget dito,” ani Lascañas.
PAOLO DUTERTE, IDINAWIT
Binanggit din ng dating pulis-Davao na may ilang operasyon ang DDS na alam ni Dela Rosa at ng panganay na anak ni Duterte na si incumbent Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Gayunman, tinawanan lang ng bise alkalde ang naging pahayag ni Lascañas.
Iginiit naman ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng komite, na dapat na suportado ng mga ebidensiya ang mga pahayag ni Lascañas, at kailangang ipatawag ang mga pangalang binanggit ng dating pulis.
Nagkasa naman ng contempt charges si Senator Manny Pacquiao laban kay Lascañas na kaagad din niyang binawi makaraang kontrahin ng ilang senador.
Kinumpirma rin ni Lascañas ang ilang testimonya ni Edgar Matobato, partikular ang quarry site sa Barangay Ma-a na pinagbabaunan umano nila ng kanilang mga pinatay.
NABAHALA KAY DE LIMA
Aniya, ikinabahala ni Duterte ang pagpunta sa quarry site ni noon ay Commission on Human Rights Chief Leila de Lima, kaya inutusan sila ng alkalde na linisin ang lugar.
Depensa naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, matagal nang itinanggi ni Bienvenido Laud, retiradong pulis at may-ari ng sinasabing quarry site, na ginawang libingan iyon ng mga biktima ng DDS.
Bagamat may mga nahukay na buto sa lugar, hindi naman napatunayan kung sa hayop o sa tao ang mga iyon, ayon kay Aguirre.
Samantala, tinawag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “fabrication” ang mga inilahad ni Lascañas kaugnay ng pagkakasangkot umano ng Presidente sa pagpatay ng DDS.
“It is out of character for the President to order the killing of a woman, pregnant or not, and for that matter any person. He is outraged by any extrajudicial killing. Neither will he tolerate it,” giit ni Panelo.
(Leonel Abasola, Beth Camia, Yas Ocampo at Genalyn Kabiling)