Tahasang ipinahayag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na hindi na umano dapat ipasa sa mga konsyumer ang naitatalang system loss charge ng power distribution companies.
Kasunod ito ng pag-ugong ng usapin ukol sa pagtatanggal ng system loss charges matapos itong mabanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27.
"Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na sila pa ang pagbabayarin dito,” saad ni PBBM sa kaniyang SONA kamakailan.
MAKI-BALITA: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente-Balita
Sa ibinahaging pahayag ni Rep. Diokno noong Martes, Hulyo 28, ipinanawagan din niya sa mga kompanya ng kuryente na huwag nang hintayin pa ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang mapigilan na ang pagpapasa ng system loss charges sa kani-kanilang mga konsyumer.
Aniya, “Nanawagan tayo sa lahat ng power distribution companies, kabilang ang Meralco: Huwag nang hintayin ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).”
“Kaya niyo nang itigil ngayon ang pagpasa ng system loss charge sa mga consumers,” dagdag pa niya.
Giit ng kongresista, hindi dapat sambayanan ang sumasalo sa bayaring inaabot ng nawala o nanakaw na kuryente.
“Hindi dapat pinapabayaran sa taumbayan ang kuryenteng nawala o nanakaw. Kailangan ng mga pamilya ng agarang ginhawa sa kanilang electric bill,” anang kongresista.
Photo courtesy: Chel Diokno/FB
Sa hiwalay na pahayag ng grupong Akbayan, ipinagdiinan nila noong mismong araw ng SONA na ang pagtatanggal ng system loss charges ay hindi isang biyaya na mula sa pamahalaan.
“Ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kayang ikalimang SONA na dapat nang alisin ang systems loss sa Meralco bills ay hindi kusang loob na biyaya ng pamahalaan. Ito ay bunga ng matagal at matatag na laban ng mamamayan sa hindi makatarungan at pabigat na singil sa kuryente. Ito ay inisyal na tagumpay ng mamamayan, hindi regalo ng pamahalaan,” saad ng Akbayan sa kanilang pahayag.
MAKI-BALITA: Akbayan sa pahayag ni PBBM na tanggalin systems loss: 'Hindi kusang-loob na biyaya ng pamahalaan!'-Balita