Nangako si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na hindi magiging marahas ang muling pagpapatupad ng pulisya sa kampanya kontra ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“This time, we will make sure that this will become less bloody if not bloodless campaign,” sabi ni Dela Rosa.

“Our aim is a bloodless campaign if possible, but this is war, so what may happen is less bloody,” paglilinaw ni Dela Rosa. “Basta walang lumalaban, walang dadanak na dugo.”

Sa muling pagsabak sa giyera kontra droga, inilunsad kahapon ng pulisya ang PNP Drug Enforcement Group (DEG), kasabay ng Project Double Barrel Reloaded, Tokhang Revisited at HVT (High-Value Target) Revalidated.

National

Año, pinabulaanang sangkot sa umano’y ‘grand conspiracy’ sa pag-aresto kay FPRRD

Ang Project Double Barrel ay ang pagpuntirya sa mga nagtutulak ng droga at sa supplier ng mga ito, habang ang Tokhang ay ang pagkatok sa mga bahay ng mga hinihinalang sangkot sa droga upang himukin ang mga itong sumuko sa pulisya o magbagong-buhay na.

Nakatuon naman ang High-Value Target Revalidation sa pagtukoy sa mga opisyal ng gobyerno at sa iba ang prominenteng personalidad na sangkot sa bentahan ng droga.

Inihayag din ni Dela Rosa ang official hotline para sa mga nais magbigay ng impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng ilegal na droga: ang 0917-8950544 at 0998-9992286.

Bagamat may go-signal na ng Pangulo, sinabi ni Dela Rosa na kailangan pa ng PNP ng karagdagang panahon upang makapag-organisa ng grupo na mapagkakatiwalaan sa pagpapatupad ng mga operasyon kontra droga.

Ang PNP-DEG ay pinamumunuan ni Senior Supt. Graciano Mijares, dating deputy director ng Police Regional Office (PRO)-3 at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1988.

Pinalitan ng PNP-DEG ang Anti-Illegal Drugs Group, na binuwag ni Pangulong Duterte makaraang masangkot ang ilang tauhan nito sa kidnap-slay sa Korean na si Jee Ick-joo noong Oktubre 2016.

Una nang sinabi na pangungunahan ng mga hepe ng pulisya at opisyal ng barangay ang aktuwal na operasyon, inimbitahan din ni Dela Rosa ang mga pari, imam at iba pang leader ng mga grupong relihiyoso na makibahagi sa pangangatok at pagpapasuko sa mga hinihinalang tulak at adik.

Batay sa datos simula Hulyo 2016 hanggang Enero 2017, may kabuuang 2,512 drug personality ang napatay sa bansa dahil sa panlalaban, habang 51,882 naman ang naaresto, bukod pa sa 1.2 milyong sumuko.

Nasa 2,928 naman ang tinatawag na death under investigation simula Hulyo 1, 2016 hanggang Disyembre 15, 2016.

(AARON RECUENCO at FER TABOY)