Kasalukuyang nakakulong sa Cainta Municipal Police Station (MPS) ang isang pulis-Las Piñas nang makumpiskahan ng pakete ng shabu, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Cainta MPS officer-in-charge Supt. Elpidio Ramirez, ng PRO 4-A, ang suspek na si Roberto Muega y Villaflor, nasa hustong gulang, Police Non-Commissioned Officer (PNCO) na nakatalaga sa Las Piñas City Police.
Sa ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 11:45 ng gabi nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Cainta MPS sa East Bank Flood Way, Barangay San Juan, Cainta, Rizal.
Namataan ng mga pulis ang suspek na kahina-hinala ang ikinilos kaya agad siyang nilapitan at sinita.
Nang kapkapan si Muega ay nakuha sa kanya ang isang sachet ng shabu at hindi na nag-atubili ang awtoridad na siya’y dakpin.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong isasampa laban kay Muega.
(Bella Gamotea)