Hanggang sa mga sandaling ito ay nanganganib ang buhay ng isang pedicab driver matapos saksakin ng kanyang kasamahan na kanyang nakaagawan sa pasahero sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital si Eduardo Torralba, 53, ng No. 39 Bronze Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong saksak sa kanang tagiliran.
Habang nakakulong naman at nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Ricardo Delegero, 48, ng Estanio St., Bgy. Tugatog, Malabon City.
Base sa report, bandang 5:00 ng hapon ay pinuntahan ng suspek ang biktima na noo’y namamasada sa Lascano St., corner Alamino St. ng nasabing lungsod.
Lasing umano si Delegero at kanyang kinumpronta si Torralba dahil sa umano’y pang-aagaw nito ng pasahero nitong Sabado ng umaga.
Nagkainitan at nagkasagutan ang suspek at ang biktima na nauwi sa pananaksak ng una. (Orly L. Barcala)