Inilahad sa publiko ng tumayong ikalawang testigo para sa Article I ng Articles of Impeachment na si dating Land Bank Department of Education (DepEd) branch manager Nenita Camposano na dumaan umano ang nagngangalang si “Edward Fajarda” sa kanilang fire exit matapos nitong makubra ang ₱37.5 milyon ng DepEd noon.
Kasalukuyang ehekutibo ng Office of the Vice President (OVP) at dating Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd si Fajarda noong panahong kalihim pa ng naturang kagawaran si Vice President Sara Duterte noong 2023.
KAUGNAY NA BALITA: Nenita Camposano, nakitang 'unusual' ₱37.5M na kinobra ng DepEd noon
Sa naging pahayag ni Camposano sa ikinasang impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 29, 2026, kinuwento niyang dumaan na raw si Fajarda sa kanilang backdoor matapos nitong ma-encash at mailagay sa dala nitong bag ang ₱37.5 milyon para sa DepEd na hawak pa noon ng bise presidente.
“Ilalagay na po ‘yan ni Mr. Fajarda sa dala niyang bag. Then lalabas na po sila doons may fire exit, sa may backdoor po namin,” aniya.
Sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng prosekusyon kay Camposano, nilinaw niyang may polisiya raw ang kanilang bangko na wala na silang gampanin sa oras na mahawakan ng kanilang mga kliyente ang kinubrang pera ng mga ito.
“May policy po tayo na kapag nakuha na ng kliyente ang pera, hands off na po ang bangko,” ‘ika niya.
Dagdag pa testigo, “Para sa safety din po ng mga empleyado na parang last touch na. Kung ano man po ang mangyari doon sa pera, after hawakan ng kliyente, hindi na po namin sagot iyon.”
Ani Camposano, sa may bahaging likod daw ng hindi niya tinukoy na kanilang bank teller ang parte kung saan may fire exit na dinaanan ni Fajarda.
“‘Yong backroom po ng Land Bank ng DepEd Branch ay sa may likod po ng teller,” saad niya.
“Paglabas po nila sa may backdoor, sa may fire exit, hindi na po namin sila nakikita,” pagtatapos pa niya.
Samantala, sa cross-examination naman ni Atty. Michael Poa, mula sa defense panel, nilinaw niya kay Camposano na dumaan land daw si Fajarda sa fire exit ng Land Bank para sa seguridad nito at dahil konektado lang daw ang naturang bangko sa DepEd.
“Lumabas po siya dahil po ang Land Bank ay actually nakadikit sa DepEd compound. Hindi po ba? At lumabas po siya doon para po sa kaniyang safety siguro at hindi na lumabas sa publiko pa dahil nasa loob na po ang DepEd?” paglilinaw ni Poa.
Sinang-ayunan naman ni Camposano ang lahat ng ibinatong tanong ng defense.
KAUGNAY NA BALITA: Orihinal na copies ng tseke na in-encash ng OVP, shredded na—Violeta Constantino