ZAMBOANGA CITY – Apat pang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay at maraming iba pa ang pinaniniwalaang nasugatan sa pakikipagbakbakan kahapon ng umaga sa mga operatiba ng Marine Special Operations Group sa Barangay Lumipad sa Talipao, Sulu.

Ayon pa kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt Jo-Ann Petinglay, narekober din ng militar ang pitong matataas na kalibre ng baril sa lugar ng engkuwentro.

Sinabi ni Petinglay na pinaresponde ni Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, ang Marines makaraang iparating ng ilang impormante ang presensiya ng mga bandido sa lugar, hanggang sa sumiklab ang sagupaan bandang 4:30 ng umaga.

Iniulat ang pagkasawi ng karagdagang mga miyembro ng ASG kasunod ng pagkumpirma ng AFP-WestMinCom na nasa 26 na bandido na ang na-neutralize ng mga awtoridad sa serye ng engkuwentro sa Sulu at Basilan sa nakalipas na dalawang linggo.

PBBM, nakikinig; hindi vindictive — PCO Usec. Castro

Ayon kay Maj. Gen. Carlito Galvez, Jr., commander ng WestMinCom, nasa 14 na bandido na ang nasawi, apat ang naaresto at walo ang nasugatan sa apat na major operations ng militar laban sa ASG.

Hindi pa kasama sa bilang ang apat na miyembro ng Abu Sayyaf na napatay sa Talipao, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Gen. Galvez ang mga naaresto na sina Hamja Ummal, Asid Abdul Pagong, Kili Alvarez Sabtal, at Hamidid Pantasan, na nasa kustodiya na ng Basilan Police Provincial Office.

Bukod sa mga baril, nakakumpiska rin ng tatlong 20-liter container at apat na four-liter container na puno ng Ammonium Nitrate Fuel Oil (ANFO) sa Bgy. Tabo Bato sa Maimbung, Sulu na kaagad ding na-detonate ng mga sundalo.

(Nonoy Lacson at Fer Taboy)