Matapos ang dalawang talumpati, personal nang nasilayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakabago niyang apo, sa Davao City nitong Huwebes ng gabi—isang lalaki na agaw-atensiyon ang palayaw.
Ang pinakabagong apo ng Pangulo na si Marko Digong, o Stonefish, ay isinilang sa pamamagitan ng Caesarean section kina Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio at Atty. Manases Carpio sa Davao Doctors Hospital, dakong 12:56 ng hapon nitong Huwebes.
Gayunman, nabisita lamang ni Lolo Digong ang pinakabatang Duterte 12 oras matapos niyang ilahad ang dalawa niyang talumpati sa Cebu City.
Sa isang ambush interview nitong Huwebes, hindi maitago ng Pangulo ang kanyang pananabik at ngiting-ngiti nang tanungin tungkol kay Stonefish.
“I’m exceedingly excited. I want to go home now. Galing dito, uwi na ‘ko,” ani Duterte matapos ang kanyang talumpati sa Cebu City. “Diretso na ako sa hospital.”
Nagawa pang magbiro ni Lolo Digong tungkol sa palayaw ng kanyang apo.
“Ewan ko ba riyan kay Inday. Kawawa naman ang bata,” natatawang sabi ni Duterte.
Ipinaliwanag ni Duterte na may tradisyon sa Davao City na magpapataasan ng bayad ang mga lolo at lola at kung sino ang pinakamataas, siya ang magpapangalan sa kanilang apo.
“Kaya kung mabili nila, nagiging kanilang ancestors. Kung ako ang manalo, ‘yung mga pangalan ng ancestors, akong mamili,” paliwanag ni Duterte.
May timbang na 2.42 kilo o 5.33 pounds, si Stonefish ang natira sa triplets matapos ang kahindik-hindik na pagbomba sa Davao City Night Market noong Setyembre 2.
Si Stonefish ay may pitong taong gulang na ate na si Sharky at kuya na si Stingray. (Argyll Cyrus B. Geducos)