Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7 n.g. – SMB vs Ginebra

HINDI na kantyawan, kundi personalan na ang linya nang labanan kung kaya’t asahan ang mas mainit at dikdikang aksiyon sa pagitan ng defending champion San Miguel Beer at crowd-favorite Ginebra Kings sa pagpalo ng Game Four ng OPPO-PBA Philippine Cup best-of-seven championship ngayon sa Araneta Coliseum.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Walang kukurap sa sagad na tunggalian ganap na 7:00 ng gabi.

"Medyo nagkainitan ng konti.Pero normal lang yun kasi parehong ayaw magpatalo siyempre," pahayag ni San Miguel forward Arwind Santos na nakairingan ang Ginebra rookie Kevin Ferrer.

Bukod sa dalawa, magkasigawan din matapos ang laro habang papasok sa kani-kanilang dugout sina Beermen guard Chris Ross at Ginebra coach Tim Cone dahil hindi nagustuhan ng huli ang three-pointer na ipimukol ng Fil-Am guard na tila baga’t pang-iinsulto.

“Hindi naman ganoon ‘yun, momentum kasi at ganado ang bata. Hindi niya intensyon na mambastos, nation lang na wala nang oras kaya itinira, suwerte pumasok eh!,” pahayag ni Beermen coach Leo Austria.

Tangan ng Beermen ang walong puntos na bentahe nang isalpak ni Ross ang three-pointer may 20 segundo ang nalalabi sa laro.

Hindi na nagbigay ng pahayag si Cone hingil sa isyu. Ngunit, asahang kimkim niya ang paghihiganti para maitabla ang serye at makaiwas na mabaon sa hukay ng kabiguan. (Marivic Awitan)