CHICAGO – Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong season, natamo ng Golden State Warriors ang back-to-back na kabiguan.
Ipinadama ng Chicago Bulls sa Warriors ang pait nang pagkawala ng pambato nilang si Kevin Durant sa dominanteng 94-87 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa United Center.
Sa kaagahan ng laro, tila maayos ang bench ng Warriors na nagawang makausad sa 10 puntos na bentahe sa second quarter, bago nakabawi si Jimmy Butler para maidikit ang iskor sa 51-47 sa halftime.
Sinimulan ni Dwyane Wade ang 10-0 run sa third quarter para agawin ang bentahe sa 79-75 at hindi na nagawang bitawan ng Bulls.
Nanguna si Butler sa Bulls (31-30) sa naiskor na 22 puntos, habang nag-ambag si Bobby Portis ng 17 puntos at 13 rebound at tumipa si Wade ng 12 puntos.
Nagtamo ng injury si Durant sa laro kontra Washington Wizards nitong Miyerkules.
SUNS 120, HORNETS 103
Sa Phoenix, ratsada ang home team sa final period para pataubin ang Charlotte Hornets.
Naisalba ng Suns ang 10 puntos na paghahabol sa first quarter at nagpakatatag sa final period para masungkit ang panalo.
Anim na Phoenix player ang umiskor ng double digit, sa pangunguna ni Marquese Chriss na may 17 puntos para tuldukan ang three-game losing skid para sa 19-42 marka.
Nanguna si Kemba Walker sa Charlotte (26-35) sa natipang 26 puntos.