TATLONG meet record -- dalawa sa juniors at isa sa seniors -- ang agad na naitala sa unang araw ng kompetisyon sa NCAA Season 92 Track and Field Championships sa Philsports Complex sa Pasig City.

Sa unang final event, binura ni Tyrone Exequiel Flores ng Emilio Aguinaldo College ang 11-year meet record sa juniors discuss throw nang maibato ang discuss plate sa layong 42.69 metro na sumira sa dating record ni Randolph Hernandez ng Letran na 40.00 metro noong 2006.

Pumangalawa sa kanya si Gideon Arellao ng San Beda kasunod si Ronnie Baldamuerte ng San Sebastian na nakalagpas din sa dating record sa kanilang naitalang 42.67 at 41.68, ayon sa pagkakasunod.

Kapwa naman nabura ang meet record sa juniors at seniors long jump nina Miller Manulat ng Jose Rizal University at Julian Seem Fuentes ng College of St.Benilde.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakatalon si Manulat ng layong 6.83 metro para burahin ang dating record na 6.77 metro na naitala ni John Resty Lorenzo ng event host San Sebastian College noong 2014.

Sinira naman ni Fuentes ang sariling record na 7.42 metro na ginawa nya noong isang taon matapos makatalon ng layong 7.59 metro.

Pumangalawa kay Manulat si Alberto Ubando ng Arellano (6.49) habang pumangatlo si John Wilfred Laguna ng JRU (6.38).

Nagwagi naman ng silver kasunod ni Fuentes si Aristeo de la Peña ng Arellano (7.44) at bronze medalist Joshua Tero ng San Beda (7.26).

Sa iba pang resulta,inangkin ni Harvey Unico ng Letran ang gold medal sa seniors pole vault sa taas na 4.10 metro.

Nagtapos na pangalawa at pangatlo sina Arellano bet John Ray Mabuyao (4.00) at Christopher Gonzales (3.80).

Pormal na sinimulan ang kompetisyon ganap na 8:00 ng umaga sa pamumuno ni San Sebastian College Management Committee representative Fr.Glyn Ortega OAR kasama ng iba pang ManCom member. (Marivic Awitan)