Patay ang limang magkakamag-anak, dalawang matanda at tatlong bata, nang sila’y makulong sa nasusunog nilang bahay sa Taguig City, nitong Martes ng gabi.

Bangkay na nang matagpuan sa unang palapag ng kanilang bahay ang mag-asawang Ramon Benjamin, 78; at Virginia Benjamin, 68; at kanilang mga apo na nasa edad 6, 8 at 12.

Ayon kay Taguig Fire chief Insp. Ian Guerrero, bandang 8:30 ng gabi nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Melanie Castro sa Palar Street, Barangay Pinagsama ng nasabing lungsod.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 9:40 ng gabi.

National

Mayor Baste, sinumbatan si PBBM: 'Yung tatay mo pinalibing ng tatay ko, pero yung tatay ko pinakulong mo!'

Base report, wala umanong kuryente sa bahay ni Castro nang biglang sumiklab ang apoy at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Sa pahayag sa pulisya ni Frank Lozano, ama ng mga nasawing bata, iniwan nila ng kanyang misis sa kanyang biyenan ang mga bata dahil sila’y papasok sa trabaho.

Aabot sa 10 bahay ang nilamon ng apoy na tinitirhan ng 20 pamilya at aabot naman sa P200,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.

Inaalam na ng awtoridad ang sanhi ng insidente. (BELLA GAMOTEA)