Patay ang isang retiradong pulis habang sugatan naman ang kasamahan niya makaraan silang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga armado, na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa national highway ng San Nicolas sa Ilocos Sur, nitong Martes ng gabi.
Sa report na tinanggap ng Camp Crame, kinilala ang biktimang si retired SPO2 Warlito Maruquin, taga-Barangay 13, Laoag City, Ilocos Norte.
Batay naman sa huling ulat, malubha ang lagay ng kasamahan ni Maruquin na si Abdun Laureta, isa ring retiradong pulis.
Sina Maruquin at Laureta ay kapwa bodyguard ni Solsona Mayor Alex Calucag.
Ayon sa report ni Chief Insp. Joseph Dela Cruz, hepe ng San Nicolas Municipal Police, sakay ang mga biktima sa pulang kotse at binabagtas ang national highway sa Bgy. Payas sa San Nicolas nang mangyari ang insidente.
Batay sa ulat, nagtamo ng mga tama ng bala ng M16 rifle at .45 caliber pistol sa katawan at ulo si Maruquin at kaagad na binawian ng buhay.
Tadtad din ng tama ng bala ang kotse ng mga biktima.
Si Maruquin ang itinuturong suspek sa pagpatay sa tatlong katao, kabilang ang isang tricycle driver sa bayan ng San Nicolas.
Sinisilip ng pulisya kung may kaugnayan ang nasabing mga kaso ng pagpatay sa pananambang, na hinihinalang kagagawan ng NPA. (Fer Taboy)