Napatay sa bugbog ang isang 26-anyos na babae matapos pagsusuntukin sa ulo ng kanyang kinakasama sa Binondo, Maynila iniulat kahapon.
Hawak na ng awtoridad ang suspek na si Albert Payumo Francisco, 29, miyembro ng City Security Force (CSF), at residente ng Cluster 4, Unit 4M, Numancia Residences, Urbiztondo Street sa Binondo.
Si Francisco ang itinuturong pumatay kay Crestyna Rivera, alyas “Lovely”, residente rin sa nasabing lugar.
Sa ulat ni PO3 Jorlan Taluban, ng Manila Police District - Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 1:05 ng hapon kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ni Rivera sa loob ng kanilang tahanan.
Una rito, narinig pa umano ng mga kapitbahay ang pag-aaway nina Francisco at Rivera simula nitong Pebrero 24 hanggang madaling araw ng Pebrero 25.
“May nakarinig sa kanilang dalawa, sumisigaw ‘yung babae, nagmumurahan sila, nagkalmutan daw tapos sinuntok naman ng sinuntok ng suspek sa ulo ‘yung biktima,” ayon kay SPO2 Jonathan Bautista.
Nang tumahimik na ang dalawa, inakala umano ng mga kapitbahay na nagkasundo na ang mag-live in partner.
Simula umano noon ay hindi na nakita ng mga residente ang biktima habang ang suspek ay hindi na rin umano pumapasok sa kanyang trabaho sa Gat Andres Bonifacio Medical Center.
Ayon naman sa tiyuhin ng suspek na si Antonio Payumo, 53, nakatanggap siya ng text mula kay Francisco noong Pebrero 26 at sinabihang huwag pupunta sa nirerentahan nilang unit.
Nang magtanong umano si Payumo ng, “bakit?” ay “wala” lamang umano ang isinagot sa kanya ng suspek.
Ngunit hindi mapakali ay pinuntahan umano ni Payumo ang unit at halos manlaki umano ang kanyang mga mata nang makita ang bangkay ni Rivera.
Naaresto ang suspek sa tahanan ng kanyang ina sa ikinasang follow-up operation. (Mary Ann Santiago)