Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7 n.g. -- San Miguel Beer vs. Ginebra

UNAHAN sa pagkuha ng momentum. Ngunit, kung pagbabasehan ang kaganapan sa huling laban na umabot sa overtime, kumpiyansa ang barangay na tangan ng Ginebra Kings ang bentahe kontra sa San Miguel Beermen sa paglatag ng Game Three ng OPPO-PBA Philippine Cup best-of-seven title series ngayon sa Araneta Coliseum.

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

Nagtabla ang serye sa 1-1 nang makalusot ang Kings sa 124-118 overtime win sa Game 2 sa Quezon Convention Center sa Lucena City.

Sa naturang laro, maraming aspeto ang hindi umayon sa panig ng defending champion Beermen na masasabing nakadagdag sa kanilang kabiguan.

Una na rito ang foul trouble ni reigning MVP Junemar Fajardo na kinalauna'y napatalsik may 2:33 ang nalalabi sa laro at nakapag- ambag lamang ng 10 puntos, pitong rebound at apat na block.

Nawala rin ang kanilang shooter na si Marcio Lassiter na napatalsik may nalalabi pang isang minuto sa third quarter sanhi ng ikalawang technical foul pagkatapos pasiklabin ang 39 puntos na pagbangon ng Beermen mula sa 39-65 na pagkakaiwan sa halftime.

Nasundan pa ito ng pagkasibak ni Chris Ross sa overtime.

Gayunman, nananatiling optimistiko sa kanilang tsansa ang Beermen.

"Ang maganda rito, nakabalik kami buhat sa malaking lamang ng kalaban.Maaga kaming na foul trouble at ang daming bad calls ng mga referees lalo kay Junemar," sambit ni Arwind Santos, pahayag na nag-eennganyo sa pagmumulta sa liga.

"Pero hindi na ‘yun mahalaga ngayon, we're moving for Game 3."

Nangako naman ang Kings na mas lalo nilang paghahandaan ang karibal.

"Siguradong mas matinding giyera ito next time.Pero siyempre paghahandaan namin silang mabuti," sambit ni Ginebra rookie Kevin Ferrer, nag-ambag nang matikas na opensa sa Kings.

Bukod kay Ferrer, inaasahang magiging dagdag na sakit ng ulo para kina coach Leo Austria si sophomore guard Scottie Thompson na nagposte ng di matatawarang all-around game na 18 puntos, 18 rebound at walong assist. (Marivic Awitan)