Inaasahan na susuko ano mang oras ngayon ang suspek sa pagpatay sa 27-anyos na si Anthony Mendoza sa nangyaring engkuwentro sa kalsada sa Quezon City noong Pebrero 25.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Guillermo Eleazar ang suspek na si Fredison Atienza, alyas “Sonson”, na una nang sinampahan ng kasong murder.
Base sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, nagpadala na ng surrender feeler si Atienza para matapos na ang lahat.
Subalit sa pakikipag-ugnayan ng pamilya ng biktima kay Eleazar, hindi sila magpapa-areglo sa halip ay itutuloy nila ang kaso para mabigyan ng hustisya si Anthony.
Magugunita nitong Pebrero 25, dakong 4:30 ng hapon, nang mangyari ang engkuwentro sa kalsada na nauwi sa pamamaril at pagpatay kay Mendoza sa kanto D. Tuazon at Quezon Avenue, Quezon City. (Jun Fabon)