Naghihimas ngayon ng rehas na bakal ang isang construction worker na nagtangkang humalay sa isang babae na matagal na umano niyang pinagpapantasyahan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kasong attempted rape ang isinampa laban kay Raffy Toribio, 33, ng No. 108 F. Abiola Street, Barangay Tangos ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng biktima, 23, kay PO1 Nolibeth Tooc ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), bandang 10:00 ng gabi, abala siya sa panonood ng telebisyon habang hinihintay na umuwi ang kanyang mister galing sa trabaho.
“May kumatok sa pinto, akala ko ‘yung mister ko na ang dumating kaya pinagbuksan ko. Nagulat na lang ako na si Raffy ang nasa pintuan namin at amoy alak pa,” ayon sa biktima.
May hawak umanong gunting si Raffy at pinahiga ang biktima sa sofa sabay tutok ng gunting sa leeg at binantaang sasaksakin ang huli kung hindi nito ibibigay ang gusto.
Dahil sa takot, hinayaan lang umano ng biktima na halikan siya sa leeg ng suspek at nagkunwaring gusto na niya ang ginagawa nito.
Binitiwan ng suspek ang gunting para maghubad ng damit at dito na umano sinamantala ng biktima ang pagkakataon upang itulak at makatakas mula sa suspek.
Humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang biktima na nagresulta sa pagkakaaresto ni Raffy. (Orly L. Barcala)