NAUNGUSAN ng National University ang University of the East, 2-1, sa extra innings upang umusad sa Final Four ng UAAP Season 79 softball tournament nitong Linggo sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Naunsiyami ang Lady Warriors sa posibleng pag-iskor habang loaded ang kanilang bases matapos ma-struck out ni pitcher Mia Macapagal ang nakasalang na batter upang giyahan ang Lady Bulldogs sa kanilang ikapitong panalo sa walong laro.

Bunsod nito, humanay ang NU sa reigning six-time champion Adamson University, na naunang nagtala ng 11-2 abbreviated win kontra sa sibak ng Ateneo.

Ang panalo ang ikawalo ng Lady Falcons sa siyam na laban.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Napanatili naman ng University of the Philippines ang gahiblang tsansang makausad sa Final Four kasunod ng 5-2 paggapi sa University of Santo Tomas.

Iniangat ng Lady Maroons sa 3-6 na marka habang bumagsak naman ang UE sa 4-6.

Sa baseball, ginapi ng namumunong Ateneo ang UP, 4-0, sa simula ng second round para sa ikalimang panalo sa anim na laro.

Tinalo naman ng defending champion De La Salle ang Adamson University, 8-5, habang namayani ang UST kontra NU, 4-3.

Marivic Awitan