Matagumpay na naibalik sa kanyang pamilya ang isang 91-anyos na lalaki matapos magpagala-gala bitbit ang P1.5 milyon sa EDSA, sa Barangay Barangka Ilaya, Mandaluyong City, nitong Lunes ng hapon.
Tumanggi ang pamilya ng biktima na ipabanggit pa ang pangalan ng biktima at kanilang pamilya.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong 5:30 ng hapon kamakalawa nang mapansin ng mga nagpapatrulyang pulis at mga opisyal ng Bgy. Barangka Ilaya na nagkakagulo ang ilang tao sa EDSA.
Nang kanilang tingnan ay nakita nila ang matandang lalaki na pagala-gala sa lugar na may bitbit na malaking halaga, na ang iba ay hawak-hawak lamang nito, habang ang iba naman ay nakalagay sa kanyang mga bulsa.
Kaagad namang dinala ng mga pulis ang biktima sa police station upang makuha ang pagkakakilanlan nito.
Nang suriin ang pera ng matanda ay natukoy na may dala itong 300 piraso ng 50 at 100 dollar na kung iko-convert sa piso ay aabot ng P1.3 milyon bukod pa sa P276,000.
Ayon sa biktima, tataya sana siya sa sabong kaya may dala siyang pera ngunit hindi nakarating sa pupuntahan.
Nakilala ang matanda sa dala niyang lisensiya at senior citizen ID. (Mary Ann Santiago)