NATUWA kami nang mabanggit ni Direk Cathy Garcia-Molina sa guesting niya sa Tonight With Boy Abunda nitong nakaraang Biyernes na may sarili na siyang bahay.

Natatandaan kasi namin ang kuwentuhan namin noon ni Direk Cathy na parati niyang sinasabi na ayaw niyang gumawa ng teleserye dahil matagal at medyo mabagal siya, kaya mas gusto niya ang pelikula.

‘Yun nga lang, hindi kalakihan ang suweldo niya bilang direktor sa pelikula kaya nang panahong iyon, wala siyang bahay at nangungupahan lang silang mag-iina sa isang condo.

“Ako lang yata sa mga direktor ng ABS-CBN ang walang sariling bahay,” sabi niya noon.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Nagsabi yata siya sa Star Cinema bosses na bigyan siya ng teleserye para makapag-ipon, na natupad naman. Nagkasunud-sunod ang teleserye ni Direk Cathy na pawang matataas ang ratings -- tulad ng Pinoy Big Brother All In, Forevermore, Pangako Sa ‘Yo, Dolce Amore at Story of Us.

Napagsabay niyang gawin ang serye at pelikulang A Second Chance at Just The 3 of Us at ngayon, ang My Ex and Whys na patuloy na tumatabo sa takilya.

Base pa rin sa kuwento niya kay Kuya Boy, noong nabubuhay pa ang asawa niya ay nakabili na sila ng bahay, pero nawala, hindi na kayang bayaran, dahil nawalan siya ng trabaho habang nagbubuntis at bed rest siya. Hanggang sa pumanaw ang asawa niya noong 2009.

“I realized na life is short. You don’t know when it’s going to end. So nagsimula akong mag-isip na maybe I should live by the day. That’s what I do now. I live by the day.

“Kaya ako, kung ano iyong kinikita namin ngayon, ano iyong pinaghihirapan ko, ipapalasap ko sa anak ko at sa sarili ko, kasi bago mahuli ang lahat, baka bukas kunin ako ni Lord or kunin ang mga anak ko.

“Of course, with my kaunting savings and looking into the future, nakabili naman ako ng bahay sa tulong ng kumpanyang ito at ng isang taong malapit sa akin na pinunuan iyong kulang para magkaroon ako ng bahay.”

Sa nasabing interview, hindi naitanong ni Kuya Boy kung may boyfriend siya ngayon – bagamat blooming siya, kaya tinanong namin si Direk Cathy sa pamamagitan ng text.

“Yes, may boyfriend and almost 10 months na,” sagot sa amin ni Direk Cathy na may kasamang smiley.

Hindi niya itinangging nagsasama na sila ngayon, kaya pala sa tanong ni Kuya Boy kung ‘good conversation o good sex’ ay mabilisan ang ‘good sex’ ng lady director sabay halakhak.

Anyway, ang next movie project ni Direk Cathy ay ang balik-tambalan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Agad kaming nag-predict na tiyak na another blockbuster movie ito, dahil marami ang nag-aabang sa kanila.

“Thank you baka end of March kami start (shooting),” mensahe sa amin.

Si Direk Cathy rin ang magdidirek ng pilot episode ng seryeng La Luna Sangre nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

(Reggee Bonoan)