Isang pulis na naka-absent without official leave (AWOL) ang napatay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagpapahangin sa tapat ng kanyang bahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Isinugod pa sa ospital si PO1 Joselito Sumacaton, 37, dating nakatalaga sa Manila Police District, residente ng 1804 F. Varona Street, Tondo, ngunit hindi na umabot ang kanyang buhay.

Nakatakas naman ang mga suspek na lulan sa isang itim na scooter, kapwa nakasuot ng helmet, itim na jacket at pantalon.

Ayon kay Police Supt. Robert Domingo, dakong 6:10 ng gabi nagpapahinga at nagpapahangin si Sumacaton kasama ang kanyang misis na si Rose Marie.

National

Tito Sotto, kinumpirmang kinausap ng 3-4 senador ukol sa Senate presidency

Makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na lang umano si Rose Marie ng magkakasunod na putok ng baril at laking gulat na lamang niya nang biglang bumulagta ang kanyang mister.

Nakita pa umano ng ginang ang mga suspek habang tumatakas patungong Dandan St., Tondo, ngunit hindi niya naplakahan ang motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)