Siyam na katao, kabilang ang isa sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), ang pinagdadampot ng mga pulis sa ikinasang anti-illegal gambling operations sa Las Piñas at Taguig City, iniulat kahapon ng Southern Police District (SPD).
Magkakasabay ikinulong sina Bernard Saotuna y Payno, 39; at Zaldy Cariso y Buenavente, 35, kapwa construction worker, ng Barangay Almanza Dos, Las Piñas City; Jonie Morante y Espartero, 28, PCG member; Jonee Delgado y Dela Torre, 22; Raul Bisaya y Lumanas, 30, jeepney driver; Christopher Ranga y Malabad, 43, seaman; Leonardo Jaugan y Ojastro, 49, delivery boy; Johnny Devor y Berdon, 37, construction worker; at Jolie Longcop y Ada, 36, construction worker, ng Sitio Maliwanag, Western Bicutan, Taguig City.
Sa ulat ng SPD, dakong 9:00 ng umaga dinakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 8 ng Las Piñas Police sina Sasotuna at Cariso na ilegal na nagsasabong sa Gladiola St., TS Cruz Subdivision, Bgy. Almanza Dos ng lungsod.
Bandang 10:30 naman naaresto sina Morante at Delgado sa isang tupada sa DOTC Compound Magsaysay Extension, New Lower Bicutan ng nasabing lungsod.
Dinakma naman sina Bisaya, Ranga, Jaugan, Devor at Longcop sa isang ilegal na tupada sa Sitio Maliwanag, Western Bicutan, Taguig City.
Sinampahan ng kasong illegal gambling ang mga suspek sa magkahiwalay na piskalya sa Las Piñas at Taguig City.
(Bella Gamotea)