Habang isinusulat ang balitang ito ay nanganganib ang buhay ng isang lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang barilin sa ulo ng mga ‘di pa nakikilalang suspek sa Barangay Rosario, Pasig City kamakalawa.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) director Police chief Supt. Romulo Sapitula ang biktima na si Aries Jason Espiritu, 27, ng 3717 Ramos Village, Barangay Rosario, Pasig City.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Romeo Tanguilan, dakong 2:00 ng hapon nangyari ang pamamaril habang nakikipag-inuman ang biktima sa basketball court sa Ramos Village, sa Eastbank road Floodway, Bgy. Rosario.
Mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa ospital ang biktima.
Sa natanggap na impormasyon ang awtoridad, posible umanong onsehan sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaril.
Iniimbestigahan pa ang kabuuang pangyayari. (Mary Ann Santiago)