NAIS sanang pigilin ni Sen. Richard Gordon ang imbestigasyong napagkaisahan ng nakararaming senador ukol sa magiging testimonya ni SPO3 Arturo Lascañas na ibinigay niya sa press conference sa Senado nitong nakaraang Lunes.

Hindi raw sa Senado nararapat dinggin si Lascañas dahil nagsinungaling na ito sa mga senador. Kasi, sa pagdinig ng Committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Sen. Gordon, nang magsalita si Edgar Matobato, sinabi nito na si Lascañas ay isa sa mga lider ng brutal na liquidation squad sa Davao na kilala bilang Davao Death Squad (DDS).

Ito ang nagsagawa ng mga extrajudicial killing na ang utak umano ng mga ito ay si Pangulong Digong noong siya pa ang

alkalde pa ng Davao City. Pinabulaanan ito ni Lascañas.

Pero, sa nasabing press conference noong Lunes, inamin niyang siya ay hit man ng death squad ng alkalde. Inatasan siya at iba pang hit man na pumatay ng mga kriminal at kalaban at binayaran sila sa kanilang ginawa.

Gayunman, humirit pa rin si Gordon. Dapat ang kanyang komite raw ang mag-imbestiga ng pagbaligtad ni Lascañas dahil bahagi ito ng nauna na niyang dininig nang si Matobato ang tumestigo. Pero, ibinigay ng mga senador sa Committee on Public Order and Dangerous Drug ni Sen. Ping Lacson ang kaso.

“Hindi lang para sa benipisyo ng taong nagpunta rito sa Senado ang pagdinig,” wika ni Sen. Grace Poe, “kundi para sa ating lahat na gustong malaman kung bakit siya nagbago at bakit ginagawa niya ito.” Higit na matutupad ang pagnanais na ito ng Senadora nang mapagdesisyunan nilang dalhin ang kaso sa komite ni Sen. Lacson. Paano, maiipit lang uli ang lahat ng impormasyong nais malaman ng lahat tulad ng gustong malaman ng Senadora kung si Sen. Gordon ang mag-iimbestiga na naman. Tingnan ninyo ang ginawa niya nang imbestigahan niya si Matobato. Maraming inihilerang testigo ang Commission on Human Rights upang patibayin ang mga idineklara ni Matobato, pero hindi binigyan ni Gordon ng pagkakataon para makapagsalita ang mga ito. Pagkatapos ng kung... ilang pagdinig at sabihing “damaged good” na si Matobato, isinara na niya ang imbestigasyon. Wala raw DDS at extrajudicial killing na nangyari sa Davao.

Isa pa, malaki ang pagkakaiba nina Sen. Lacson at Gordon sa istilo ng pag-iimbestiga. Kapag nag-iimbestiga ka, ang pinalalabas mo ay iyong nalalaman ng tinatanong mo hindi iyong nalalaman mo. Si Lacson ay maigsi magtanong kaya napapalabas niya iyong mga mahalagang bagay na may kaugnayan sa isyu nang malinaw. Samantala, magtanong man si Gordon ay napakahaba at pinalalabas niya na mas marami siyang nalalaman kaysa kanyang tinatanong. Kaya, sa kanya nauubos ang oras ng imbestigasyon, lumalabo pa ang dapat na mapalinaw. (Ric Valmonte)