Idiniin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala umano dapat kinikilingan ang mga senator-judge pagdating sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inilahad ito ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Agosto 6, matapos matanong hinggil sa reaksiyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa nasabing paglilitis.
"Personally, para po kay Pangulo ay hindi po siya magbibigay ng anumang komento patungkol diyan, dahil ang nais lamang po niya talaga ay masunod ang proseso, ‘yon naman po lagi ang sinasabi ng Pangulo, masunod ang due process, masunod ang proseso kung ano ang sinasabi ng batas,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “So, kung ano ang sinasabi ng batas, kung ano ang sinasabi ng ebidensiya, sana ay huwag walisin, huwag linisin, at pahinain ang katotohahan at lihisin kung ano ang sinasabi ng batas.”
Sinita niya rin ang mga umano’y nag-aaktong abogado sa impeachment trial, na aniya’y hindi naman dapat.
"Marami po kasing lumalabas sa impeachment ayon sa PCO na nag-aaktong mga lawyer, na hindi dapat, dahil dapat maging impartial, manatiling walang bias ang mga senator-judges,” anang press officer.
"So, hindi po sila mandato na walisin ang katotohanan. So, huwag silang magdala ng walis sa senado,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Gayunpaman, wala namang pinangalanan na senator-judge si Usec. Castro hinggil sa kaniyang mga ipinahayag.