Hindi na bago para kay Senator Antonio Trillanes IV ang pambubuyo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa pagtitipon ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Sabado ng gabi.

Sa katunayan, ayon kay Trillanes, ay nauna pa siya kay Senator Leila de Lima na pinag-iinitang kritiko ng Presidente.

Ang pagkakaiba lang, ayon kay Trillanes, ay ipinapapatay siya ni Pangulong Duterte.

“Ako nga ang dapat nauna. Gusto akong ipapatay mula’t sapul pa nang nanalo siya bilang Pangulo,” sabi ni Trillanes.

Probinsya

Kapilya ng INC sa Quezon, pinasabugan ng bomba; suspek, gumagamit umano ng iligal na droga

Ayon sa senador, nakatanggap na siya ng ganitong impormasyon at kinumpirma naman, aniya, ito ni retiradong pulis-Davao na si SPO3 Arthur Lascañas, na sinabi niyang naatasan na magligpit sa kanya.

Matatandaang lumantad nitong Lunes si Lascañas upang bawiin ang nauna niyang testimonya at patotohanang may Davao Death Squad (DDS).

Umaming isa sa mga leader ng grupo, kinumpirma ni Lascañas ang mga naunang testimonya ng self-confessed DDS member na si Edgar Matobato na si Pangulong Duterte umano ang nag-uutos sa kanilang pumatay sa ilang personalidad kapalit ng pagbabayad nito ng hanggang P100,000.

Sa harap ng libu-libong nagtipon sa Luneta nitong Sabado ng gabi, nagtanong si Aguirre kung sino ang kanilang isusunod, at sumigaw ang mga tao ng “Trillanes!”

Buwelta ni Aguirre: “Tulungan n’yo ako.”

Sinabi ni Trillanes na sa ginawa ni Aguirre ay lalo lang nalantad ang katotohanan sa mga aniya’y binabalak ng administrasyon—ang ipaligpit at patahimikin ang mga bumabatikos kay Pangulong Duterte.

“Lalo pong nalantad ang tunay na adhikain. Lumalabas na ang paggawa ng kaso at pagkakulong kay De Lima ay para patahimikin ang kontra sa kanila,” ani Trllanes.

Aniya, marami na siyang binangga, nakaaway at marami nang nagsabi na walang kuwenta ang mga pasabog niya, pero sa bandang huli ay napapatunayan niyang tama siya.

“I stand by my track record…. pagtayo ko kay (dating Pangulong Gloria Macapagal) Arroyo… para sa bayan ito. ‘Pag hindi ako, wala nang gagawa nito,” ani Trillanes.

Nakilala si Trillanes bilang ang opisyal ng Philippine Navy na nanguna sa Oakwood mutiny sa Makati City laban kay Arroyo noong Hulyo 2003. (LEONEL M. ABASOLA)