Tinatayang mahigit 200,000 tagasuporta ni Pangulong Duterte ang dumagsa sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Sabado ng gabi upang magpakita ng suporta sa Presidente at sa kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Nagsimula ang pagtitipon dakong 5:00 ng hapon nitong Sabado, na inabot hanggang kahapon ng tanghali dahil sa walang tigil ang pagdagsa ng mga tao sa lugar, na sinasabing dumayo pa mula sa iba’t ibang lalawigan.

Kinumpirma naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagpalabas sila ng memorandum sa mga local government unit na nagsasaad na suportahan ang pro-Duterte rally sa Luneta, kasabay ng pagsasabing walang masama sa inilabas na memo dahil hindi naman ito mandatory kundi “encouragement” lamang.

Dakong 9:00 ng gabi nang pumalo sa 215,000 ang crowd estimate ng Manila Police District (MPD) sa lugar, kung saan nagpakalat ng 559 na pulis.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Dumalo sa pagtitipon nitong Sabado ng gabi si Senator Alan Peter Cayetano, na nilinaw na walang halong pulitika ang pagtitipon.

Bukod kay Cayetano, nasa rally rin ang iba pang mga kaalyado ng Pangulo na sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, Communications Secretary Martin Andanar, SBMA Chairman Martin Diño, mag-inang Bacoor, Cavite Mayor Lani Mercado at Vice Gov. Jolo Revilla, iba pang miyembro ng Gabinete at sina Sandra Cam at Mocha Uson.

Kung pagkukumparahin, ‘di hamak na mas marami ang dumalo sa pro-Duterte rally sa Luneta kumpara sa nagtipun-tipon sa EDSA People Power Monument nitong Sabado ng gabi, na umabot sa mahigit 2,000. (Mary Ann Santiago)