Na-trauma ang isang call center agent matapos siyang holdapin ng dalawang lalaking armado ng baril sa loob ng pampasaherong jeep sa Makati City, nitong Huwebes ng gabi.
Nanginginig pa sa takot at umiiyak nang magtungo sa tanggapan ng Makati City Police si Ronalyn Charcon, 33, ng Barangay Olympia ng nasabing lungsod upang i-report ang insidente.
Ayon kay Charcon, dakong 9:00 ng gabi nangyari ang pag-atake ng mga holdaper sa loob ng isang pampasaherong jeep na may rutang Buendia at Pasong Tamo.
Pauwi na umano si Charcon at nagdesisyong mag-jeep na lamang dahil hindi pa naman umano ganoon kalalim ang gabi.
Makalipas ang ilang sandali ay pumara umano ang dalawang lalaki at siya’y pinagitnaan bago tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.
Sapilitan umanong kinuha ng mga suspek ang kanyang hawak na Samsung cell phone, nagkakahalaga ng P21,000; P1,800 cash; at mga alahas saka mabilis na bumaba ng jeep at tumakbo sa hindi mabatid na direksiyon.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis ngunit hindi na naabutan ang mga holdaper.
Pinag-aaralan na ng awtoridad ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin. (Bella Gamotea)