Binawian ng buhay ang isang tindero matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong lalaki, umano’y miyembro ng vigilante group, habang natutulog sa kanilang bahay sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo, dead on the spot si Ariel Bernales, 22, ng Block 29, Lot 39 Recomville, Barangay 171 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Rebecca Jaingue, kinakasama ng biktima, bandang 1:15 ng madaling araw nang maalimpungatan sila ni Ariel dahil sa pagkalabog ng tatlong lalaki, pawang nakasuot ng face mask, sa kanilang pintuan at nagpumilit pumasok sa kanilang bahay.
“Nagmakaawa po ako sa mga lalaki na huwag nilang saktan ang mister ko, pero pinagbabaril ng isa sa kanila ang asawa ko,” kuwento ni Rebecca.
Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan sa dalawang motorsiklo na walang plaka.
Ayon kay Rebecca, hindi sangkot sa ilegal na droga si Ariel. (Orly L. Barcala)