Tuluyan nang nadakma ang isang lalaki, sinasabing gumahasa sa 16 na taong gulang na babae sa isang abandonadong bahay, sa Malabon City nitong Huwebes.
Kinilala ang suspek na si Jolycee Escala, 20, ng Barangay Conception, Malabon. Habang hindi na pinangalanan ang biktima para sa sarili nitong proteksiyon.
Base sa imbestigasyon, dakong 11:30 ng gabi nitong Miyerkules ay nag-inuman ang biktima at si Escala at kanilang mga kaibigan sa Bgy. Conception, Malabon.
Ayon sa biktima, lasing na lasing siya nang dalhin siya ni Escala sa isang abandonadong bahay malapit sa bahay ng kanilang kaibigan na kanilang pinag-inuman. Dito na umano siya hinubaran ng suspek at pinagsamantalahan.
Aniya, sinubukan niyang pumiglas at labanan si Escala, ngunit mas malakas ito sa kanya. Takot na takot umano ang biktima at sinabing papatayin siya ni Escala kapag siya’y sumigaw.
Matapos ang pananamantala, umuwi na ang biktima at hindi napigilang maiyak sa nangyari hanggang sa nagsumbong na ito sa kanyang mga magulang.
Sa ikinasang follow up operation, dakong 2:00 ng hapon nitong Huwebes, naaresto si Escala na ipinagdidiinang siya ay inosente.
Sinabi ni Escala na hindi niya ginahasa ang biktima, ngunit inamin niyang may nangyari sa kanila ng biktima.
Gayunman, ayon sa pulis, responsable pa rin si Escala dahil menor de edad ang biktima.
Kasalukuyang nakakulong si Escala sa Malabon Police headquarters. (Jel Santos)