Habang isinusulat ang balitang ito, nag-aagaw-buhay ang isang barangay tanod matapos saksakin ng kanyang live-in partner sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Nakaratay ngayon sa Tondo Medical Center si Rodolfo Tumapon, 29, ng Sitio 6, Barangay Catmon ng nasabing lungsod, dahil sa malalim na saksak sa dibdib.

Kasalukuyan namang nakakulong si Mary Ann Panganiban, 32, at nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Ayon kay PO3 Roger Gonzales, bandang 2:00 ng hapon, lumabas sa kanyang bahay si Panganiban at nakipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay.

Eleksyon

Luis Manzano natalo, pero 'panalo' pa rin daw dahil sa mga Batangueño

Makalipas ang dalawang oras, napansin ni Tumapon na maingay at lasing na ang kinakasama kaya inaya na niya itong umuwi.

Galit na sumama si Panganiban kay Tumapon at nagkaroon ng mainitang diskusyon habang naglalakad pauwi.

Pagsapit sa kanilang bahay, dumiretso sa kusina si Panganiban at kumuha ng kutsilyo saka sinaksak si Tumapon.

Nahinto ang pagtatalo ng dalawa nang awatin ng kanilang mga kapitbahay at tuluyang isinugod sa ospital ang biktima.

(Orly L. Barcala)