Iginiit kahapon ni Senator Grace Poe na dapat pang palawakin ang imbestigasyon sa kaso ng pagdukot sa Korean executive na si Jee Ick-joo na pinatay sa loob ng Camp Crame sa Quezon City noong Oktubre ng nakaraang taon, dahil lumalabas na hindi lamang ito simpleng kidnapping.
Ito ay makaraang lumutang sa pagdinig ng Senado kahapon na may Korean Mafia na sangkot sa extortion na itinuturong utak sa pamamaslang kay Jee.
Sinabi ni Poe na dapat managot din ang dating pulis na si Gerardo Santiago, may-ari ng Gream Funeral Services, sa pag-uutos nitong i-flush ang abo ni Jee sa toilet.
Aalamin din ng komite ang tungkol kay Marissa Morquicho, ang housemaid na kasamang dinukot ni Jee, na kalaunan ay pinakawalan din at binigyan pa ng P1,000 ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, at sa isang Marissa Dawis, na sentensiyado sa kidnapping.
Lumabas ang ganitong anggulo sa pagsisiwalat ni Senator Leila de Lima sa posibilidad na iisang tao lamang ito at maaaring miyembro ng isang malaking sindikato.
Inamin din kahapon ni Philippine National Police-Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Chief, Senior Supt. Glen Dumlao na talagang target na i-assassinate si Jee.
Sa pagtatanong ni De Lima, inamin ni Dumlao na sa kanilang imbestigasyon ay lumalabas na hindi kidnap-for-ransom ang motibo sa pagdukot sa Korean.
Sinabi ni Dumlao na natuklasan nilang gustong patahimikin si Jee kaugnay ng extortion activities sa Korean community sa Angeles City, Pampanga at maging sa online gaming activities.
Aniya, diskarte lang ng ilang sangkot sa krimen ang paghingi ng ransom sa maybahay ni Jee, bagamat hindi niya direktang matukoy kung sino ang kumuha ng P5 milyon na ibinigay ng pamilya ng dayuhan.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na 100% niyang sinuportahan ang pagtatanong ni De Lima na nagresulta sa pag-amin ni Glen Dumlao na hindi kidnap-for-ransom kundi target talagang ipapatay si Jee.
Sinabi ni Aguirre na posibleng may nakabangga si Jee sa Korean Mafia, na nag-utos sa ilang pulis at tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na patahimikin ito.
Binanggit pa ni Aguirre ang pangalan ng isang Korean, isang Kan Tai Seik, na aniya’y umalis na sa bansa batay sa nabatid ng isang opisyal ng Duterte administration ay sangkot daw sa sindikato at mga ilegal na aktibidad, subalit pinabulaanan ito ng Korean Embassy. (Leonel M. Abasola)