Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

3 n.h. -- Victoria Sports vs Café France

5 n.h. -- Tanduay vs Cignal

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

MAPATATAG ang katayuan sa team standings ang asam ng Café France at Cignal sa pakikipagtuos sa magkahiwalay na duwelo sa 2017 PBA D-League Aspirants Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Haharapin ng Bakers, sa pangangasiwa ni coach Egay Macaraya, ang Victoria Sports-MLQU sa unang salpukan ganap na 3:00 hapon, habang tampok na laro ang labanan ng Hawkeye’s at Tanduay Rhum Masters sa 5:00 ng hapon.

Huling tinalo ng Bakers ang Wang’s Basketball, 84-74, para maisulong ang kampanya tangan ang 4-1 karta.

Bagama’t pinapaboran kontra Victoria Sports na naghahangad ng unang back-to-back win matapos makamit ang unang panalo sa loob ng limang laro kontra Jose Rizal University (76-66), nais ni Macaraya na mas paigtingin ang kanilang depensa bilang paghahanda na rin sa mga susunod na mas mabibigat na katunggali.

Muli, inaasahang mamumuno para sa Bakers sina Paul Desiderio, Rod Ebondo at Michael Callisaan.

Sa tampok na laban, inaasahan namang dikdikan ang tapatan ng Hawkeye’s at itinuturing na title contender Rhum Masters (4-2).

Magkukumahog din ang Rhum Masters na makabawi sa nalasap na kabiguan sa nakaraan nilang laban sa kamay ng Racal (80-84). (Marivic Awitan)