Nalagutan ng hininga ang isang lalaki, gayundin ang kanyang bisita, na umano’y lider ng carnapping syndicate matapos pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang suspek sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot sina Jeffrey Bercasio, 33, ng No. 6-A Commercio Street, Barangay Tugatog; at Rein Joseph Rimorin, 31, ng No. 388 Road 1, Pildera 11, NAI Road, Pasay City.

Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng cal .45 sa katawan at ulo sina Bercasio at Rimorin.

Sa report ni PO3 Julius Mabasa, bandang 3:50 ng madaling araw, nag-iinuman sina Bercasio at Rimorin sa bahay ng una nang dumating ang mga suspek at sila’y pinagbabaril.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Pinayuko naman umano ng mga armado si Alfred Bunag, katulong ni Bercasio, upang hindi madamay sa pamamaril.

Mabilis na nagsitakas ang mga salarin matapos ang insidente.

Ayon sa awtoridad, malaki ang posibilidad na dating mga kasamahan ni Bercasio sa sindikato ang mga suspek nang malamang gusto nang magbagong-buhay ng una. (Orly L. Barcala)