Hindi na inabutan ng tricycle driver ang pagresponde ng emergency unit matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nag-aabang ng pasahero sa Barangay Pineda sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang biktima na si Rogelio Dumpit, 58, may asawa, ng 120 Banaag Street, Bgy. Pineda.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Edmund Pablo, ng Pasig City Police, dakong 5:30 ng hapon nangyari ang pamamaril.
Matiyaga umanong nag-aabang ng pasahero si Dumpit nang biglang hintuan ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at siya’y pinagbabaril bago tuluyang tumakas.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen nang malaman na kabilang sa drug watch list ng Bgy. Pineda ang biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente. (Mary Ann Santiago)