Bumagsak sa kamay ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-National Crime Unit (CIDG-ANCU) ang isang illegal recruiter sa ikinasang entrapment operation sa Parañaque City, nitong Lunes ng hapon.
Kasalukuyang nakakulong sa CIDG si Loreta Bayota, 48, tubong Malasiqui, Pangasinan.
Ayon kay CIDG-ANCU Supt. Roquemer De Guia, ilang complainant na ang nagtungo sa kanilang tanggapan dahil sa paghingi umano sa kanila ni Bayota ng hindi bababa sa P100,000 para sa pagproseso ng kanilang dokumento upang makapunta at makapagtrabaho sa Turkey.
Agad isinagawa ang entrapment operation laban kay Bayota at siya’y naaresto sa Our Lady of Perpetual Help Shrine, dakong 5:30 ng hapon. (Bella Gamotea)